JANUARY 5: ANG TAO, KAWANGIS NG DIYOS.
BASAHIN: GEN 1:26-29, 31; 2: 1-4 [https://www.biblegateway.com/passage/?search=Genesis%201&version=MBBTAG](https://www.biblegateway.com/passage/?search=Genesis%201&version=MBBTAG)
Tungkol sa tao, narito ang pinakamahalagang talata sa Bibliya. Dito susunod ang lahat ng pangyayari, pati na ang Pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos at ang ating katubusan. Inilalantad na dito ang katotohanan ng pagiging tao. Nilikha sa wangis ng Diyos, siya ang taluktok ng buong sangnilikha. Sa paglikha sa tao sa ika-anim na araw, ang Panginoon ay “lubos na nasiyahan,” mas higit pa sa naramdaman niya sa ibang naunang nilikha. Tila nakapunla sa tao ang binhi ng pagkadiyos. Ang binhing ito ay lalago at magiging ganap sa katauhan ni Kristo sa kanyang pagdating. Lahat ng nilikha ay inatasang maglingkod sa tao. Ang tipanan ng pag-ibig sa Diyos ay dapat magdala sa tao na ituring ang kalikasan na may paggalang at pagmamahal.
PURIHIN KA, PANGINOON, SA IYONG PAGLIKHA SA AMIN SA IYONG WANGIS AT LARAWAN. NAWA’Y MAPAHALAGAHAN NAMIN ITONG KAHULUGAN NG AMING PAGKATAO NA KAUGNAY NG IYONG KADAKILAAN!
Comments
Post a Comment