PAMBUNGAD sa TAGALOG CATHOLIC BIBLE READING
Ang ating sisimulan na Tagalog Daily Bible Reading bukas ay tutulong sa atin na maunawaan ang kaugnayan ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng tinatawag na “Tipan” (covenant) na sinimulan kay Noah, Abraham, sa bayang Israel at sa ating lahat ngayon sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo.
Babalik-balikan natin ang “Tipan” habang binabasa ang Luma at Bagong Tipan ng Bibliya.
Bawat araw ay may isang paksa o plano, na unti-unti lamang magbubukas ng ating kaisipan sa kahulugan ng Salita ng Diyos. Kasunod nito ay maigsing paliwanag upang lalo nating malasap ang mensahe ng pagbasa.
Ang pagbasa ay hindi mahaba tulad sa ibang Bible reading na kailangang basahin ang ilang kabanata bawat araw, hindi po!; minsan ilang talata lamang (short verses) o ilang talata mula sa magkakaugnay na kabanata (short verses from different chapters) ang kailangan dahil ang nais natin ay makuha lamang ang “sustansya” (essential element) ng mensahe ng Diyos at hindi bawat detalye ng Bibliya.
Kahit wala kayong hawak na Bibliya, ilalagay natin ang link sa online Bible na mababasa ninyo sa Tagalog (Magandang Balita Bibliya Catholic Version with Deuterocanonicals) mula sa Biblegateway website.
May maigsing panalangin din na iniaalay bilang dasal na maaaring maging pagninilay (reflection) ninyo sa bawat araw at magandang ulit-ultin sa isip at diwa sa gitna ng ating mga ginagawa.
Ito ang pinakapakay natin: dasalin sa ating puso ang Salita ng Diyos, sa tulong ng Diyos Espiritu Santo, na nananahan na sa ating puso.
Ang mungkahi ko ay basahin sa umaga at pagkatapos balikan ulit bago matulog ang aral para sa bawat araw upang tumimo sa puso at magdulot ng pagbabago ng kalooban.
Ang basehan ng ating Tagalog Daily Bible 2025 ay isang aklat na naisulat sa French (365 Jours Avec la Bible, Edition du Parvis, 1992) at naging makabuluhan sa akin kaya naman ibinabahagi ko sa inyo. Araw-araw kong isasalin ang mga leksyon sa Tagalog para sa inyo (isang munting sakripisyo!).
Nawa ang Espiritu Santo ang magbigay sa atin ng katapatan na makaharap araw-araw ang Panginoong Hesukristo sa Puso ng kanyang Salita. Welcome everyone sa ating daily adventure sa lahat ng mga aklat ng buong Bibliyang Tagalog at Katoliko na ito.
Pagpalain po kayo at ang inyong pamilya ng Panginoon!
Happy New Year! Jesus, Mary and Joseph, we give you our hearts and souls!
Comments
Post a Comment